CAMP VICENTE LIM, Laguna – Nagwakas kaagad ang buhay ng isang carwash boy makaraang pagbabarilin ng kanyang mga naging customer sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz, hepe ng Imus police station, ang biktima na si Jimwell Sauquillo, 16, ng Barangay Anabu 2-F, Imus, Cavite at namamasukan sa Buggy Carwash sa Gen. Emilio Aguinaldo Highway sa nabanggit ding barangay.
Base sa police report, dalawang kalalakihan na kasama ang kani-kanilang syota ang dumating sa nabanggit na carwash sakay ng kulay abuhing kotse na Mitsubishi Lancer na may plakang URU 245 para magpalinis ng sasakyan bandang alas-12 ng tanghali.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na minasama ng dalawang kustomer na nag-aantay sa loob ng customer lounge ang matalim na pagkakatitig ng biktima sa mga kasamahan nilang mga babae kaya kinompronta nila ito.
Napag-alamang bigla nalang umalis ang dalawang customer at nang bumalik ay pinagtulungang barilin ang biktima.
Isinugod pa sa Our Lady of the Pillar Hospital ang biktima pero namatay din ito habang ginagamot sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa follow-up operation ng pulisya, narekober din ang ginamit na kotse sa H-I Village, Barangay Datu Ismael sa bayan ng Dasmariñas, Cavite habang tugis naman ang isa sa suspek na si Florendo “Flo” Tambogao.