Dalawang mangingisda ang iniulat na namatay habang aabot naman sa 40 iba pa ang naospital sa naganap na cyanide poisoning sa bayan ng Sta. Cruz, Ilocos Sur noong Linggo.
Kabilang sa mga biktimang nasawi ay sina Ronald Jacinto at Loreto Cabradilla na kapwa residente ng Barangay Pilar ng nasabing bayan.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Jojit del Prado, hepe ng pulisya sa bayan ng Sta. Cruz, kinumpirma ng mga doctor sa Tagudin General Hospital na ang mga biktima ay nalason sa kinaing isda na kontaminado ng cyanide.
Ang mga biktima ay dumaing ng pananakit ng ulo at panghihina ng katawan dulot ng epekto ng cyanide mula sa nakaing isdang ipon na popular sa mga Ilocanos at ibang bahagi ng bansa.
Napag-alamang sa 40-mangingisdang naapektuhan, 23 naman ang isinugod sa Tagudin Hospital.
Ayon pa sa ulat, karamihan sa mga biktima ay nakaramdam ng epekto ng cyanide ilang araw matapos kumain ng ipon na nalambat nila sa Buaya River sa bayan ng Sta. Cruz.
Nabatid na ang nasabing isda na nahuhuli lamang sa northern Ilocos province kapag sumasapit ang Setyembre hanggang Pebrero ay naging popular sa mga Ilocanos at ibang bansa dahil sa kakaibang sarap nito na inihalintulad sa isdang sinarapan ng Bicol
Bunga ng insidente, binawalan ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang mga residente partikular na ang mga mangingisda na pansamantalang iwasan munang magtungo sa naturang karagatan.
Umapela naman ang mga lokal na opisyal ng Pilar para sa pinansyal na tulong sa pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur kaugnay ng gastusin sa hospital ng mga biktima.
Kasalukuyan namang sinusuri ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang tubig sa Buaya River kung saan nagmula ang mga isda.