Rehas na bakal ang binagsakan ng isang notoryus na lider ng holdaper/karnaper makaraang masakote ng mga awtoridad sa isang videoke bar sa Datu Siang Street, Cotabato City kamakalawa ng gabi. Sumasa ilalim na sa tactical interrogation ang suspek na si Suharto “Palos” Aman, lider ng Suharto Aman carnapping robbery/hold-up gang. Sa ulat ni P/Senior Supt. Willie Dangane, Cotabato City police director, nasakote si Aman sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Oscar Noel Jr. ng General Santos City Regional Trial Court Branch 35. Sa tala, ang grupo ni Aman ay sinasabing may operasyon sa mga lungsod ng General Santos, Koronadal, Tacurong Kidapawan at sa mga lalawigan ng South Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Cotabato at Maguindanao. Joy Cantos
Ex-sekyu ng mayor itinumba
CAVITE – Binaril at napatay ang isang dating security escort ni Mayor Renato Abutan ng ’di-pa kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Paradahan sa bayan ng Tanza, Cavite kamakalawa ng gabi. Nasapol sa likurang bahagi ng ulo si Alvin Trias, 33, ng Buena Flor Street, Rosario, Cavite. Sa ulat ni PO1 Benny Sabio, papauwi na ang biktima nang biglang barilin sa ulo. Napag-alamang may kasamang lalaki ang biktima habang naglalakad at may teorya ang pulisya na ito ang gumawa ng krimen. Cristina Timbang
P2M ari-arian naabo
CAMP CRAME - Umaabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang nilamon ng apoy makaraang masunog ang Green Bank sa loob ng Gaisano City Arcade sa Roxas City, Capiz kamakalawa. Batay sa report ng regional police na nakarating sa Camp Crame, naitala ang sunog dakong alas-12:20 ng tanghali kung saan kaagad naman rumesponde ang mga kinuukulang ahensya ng gobyerno. Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa naganap na sunog na tumagal ng halos isang oras bago maapula. Joy Cantos
Karpintero inutas ng mag-ama
CAINTA, Rizal – Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na karpintero ng mag-amang kapitbahay nito sa Barangay San Juan sa bayan ng Cainta, Rizal kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Ronnie Luchavez ng Upper Cuatro, habang naaresto naman ng pulisya ang mag amang suspek na sina Ulpiano Singson, 55 at Michael Singson, 25, kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay. Ayon kay PO2 Jeffry Azueta, lumilitaw na iginanti ng matandang Singson ang kanyang anak matapos maargabyado sa suntukan ang batang Singson laban sa biktima may ilang araw na nakalipas. Edwin Balasa