Umaabot na sa anim na minero ang iniulat na nailigtas sa pagpapatuloy ng search and rescue operation sa minahan ng ginto sa bayan ng Itogon, Benguet, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense, ang dalawang unang biktima ay nailigtas kamakalawa ng gabi habang ang iba pa ay kahapon naman ng umaga.
Ang mga ito ay milagrong nakaligtas matapos ang may sanlinggong pagkaka-trap sa tunnel ng Goldfield Mines sa Itogon sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong “Nina”.
Ayon kay P/Chief Supt Eugene Martin, Cordillera police director, namataan ang survivor na si Jayson Himmayod sa level 600 ng tunnel dakong alas-8:20 ng umaga habang sina Gary Gano at Robert Bur-way naman ay naisalba pasado alas-10 ng umaga.
Naunang nailigtas si Gerry Monyobda dakong alas-11 kamakalawa ng gabi mula sa level 700 ng tunnel.
Una nang na-rescue sina Antonio “Ngitit” Pagu layan at Jose Panio Jr. habang dalawa na sa mga minero ang namatay kabilang na si Joel Bolga.
Patuloy namang isina sailalim sa general check-up at debriefing ang anim na minerong nailigtas.
Ayon kay Martin, nakararanas ng post traumatic stress syndrome ang mga biktima kaya kailangan nilang manatili sa pagamutan kahit maayos ang lagay ng kanilang katawan.
Napag-alaman na ang mga nailigtas na biktima ay binigyan ng tulong pinasyal na P10,000 ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet. Joy Cantos