Pabahay sa 8,000 pamilya, tuloy na

CAVITE - Pinatunayan ng Land Registration Authority (LRA) na ang 53-ektaryang lupang binili ng Pamahalaang Pan­la­lawigan para sa proyektong pabahay na Pamayanang Maliksi na magbibigay ng benepisyo sa 8,000 pamilyang maralita ay bahagi ng bayan ng General Trias taliwas sa pahayag ni Mayor Melencio de Sagun, Jr. na ito ay sakop ng Trece Martires City sa Cavite.      Sa ulat na inilabas ng LRA noong Agosto 4, 2008, lumitaw na ang Lot 3305-new San Francisco de Malabon Estate na pagtatayuan ng pabahay ay labas sa territorial boundary ng Trece Martires City batay sa pag-aaral na pinangunahan ni Engr. Porfirio R. Encisa, Jr., acting director ng Department on Registration.

Base na rin sa pag-aaral ng Joint Committee ng Land Use at Good Governance ng Sangguniang Panlalawigan ng Cavite kung saan nauna nang inihayag na sakop ng General Trias, ang nasabing lupain ay may (T-58557-) T-4308 na sumasaklaw sa Lot 3305-new.

Pinagbatayan ng komite ang Charter ng Trece Martires City kung saan malinaw na inilahad na ang lote ay boundary, gayundin ang katatapos na Cadastral Survey ng General Trias na nagpapatunay na ang Lot 3305-new ay sakop ng nasabing bayan.

Dahil sa mga katibayan, naglabas ng kautusan ang Sangguniang Panlalawigan sa Provincial Housing Board na kumuha ng Development Permit sa bayan ng Gen. Trias bilang pagkilala sa kanilang territorial jurisdiction. Napag-alamang pinasinayaan ang proyektong pabahay ni Pangulong Gloria Arroyo kasama si Bise Presidente Noli de Castro noong Marso 5, 2008. Subalit natigil ang proyekto matapos pigilin ni Trece Martires City Mayor Jun Sagun na ang pagtatayuan ay sakop ng kanilang lungsod.

Bilang pagbibigay-daan ni Gob. Maliksi sa kahilingan ni Mayor Sagun na dalhin sa Sangguniang Panlalawigan ang pagpapasya upang maserolba ang isyu ng pagmamay-ari sa lupain.

Dahil sa mga legal na basehan, wala nang nakikitang hadlang ang Pamahalaang Panlalawigan upang ipagpaliban ang pagpapatuloy ng nasabing proyekto ni Gob. Maliksi.

Show comments