12-anyos na anak pinugutan ng ama

Animo’y manok na pinu­gutan ng ulo ang isang 12-anyos na dalagita ng sari­ling ama na pinaniniwa­laang sinapian ng masa­mang espiritu sa bayan ng Pamplona, Cagayan kama­kalawa.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jannette Da­quigan, estudyante at re­sidente ng Barangay Ca­sitan ng bayang nabanggit.

Nakilala naman ang suspek na bitbit pa ang pugot na ulo ng kaniyang anak nang madatnan ng mga awtoridad na si Re­migio Daquigan, 52, mag­sasaka at residente rin ng nasabing lugar.

Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang kri­men bandang alas-5 ng hapon bago gumapang ang dilim sa tahanan ng mag-amang Daquigan.

Lumilitaw sa imbesti­gasyon, biglang nagwala ang matandang Daquigan sa kanilang barangay kaya humingi ng saklolo ang barangay chairman sa mga alagad ng batas sa bayan ng Pamplona.

Kaagad namang nag­res­ponde ang ilang pulis at nadatnan pa ang suspek  na hawak-hawak ang du­guang mahabang itak na ginamit sa pamumugot sa sariling anak.

Sa isa pang kamay ay tangan naman nito sa bu­hok ang naputol na ulo ng dalagita na inihagis sa damuhan habang naghihi­yawan ang mga kapitbahay ng pamilya Daquigan.

Napag-alamang nagpa­putok ng baril sa ere ang ilang pulis bilang warning shot para pasukuin at iba­ba ng  matanda ang ha­wak na itak, subalit sa halip ay  nag-amok pa ito na tang­kang susugurin  pa ang pangkat ng pulis.

Hindi na nagdalawang isip si SPO3 Cornelio Li­meng Eduarte Jr. at binaril sa ulo ang sumusugod na suspek  na duguang bumu­lagta.

Ayon sa mga kamag-anak ng suspek, mayroon problema sa pag-iisip ang matandang Daquigan na siyang nakikitang dahilan kaya nagawa nitong pugu­tan ang sariling anak.

Show comments