Nailigtas ng Philippine Marines ang mag-utol na kinidnap ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang may ugnayan sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang search and rescue operations sa bayan ng Patikul, Sulu kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Navy Spokesman Lt. Col. Edgard Arevalo, ang magkapatid na sina Ben Austine, 2 at Benedict, 3, kapwa anak ng mag-asawang trader na sina Bienvenido at Elena Dayola.
Ang mga biktima ay nasagip ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 6 sa ilalim ni Lt. Col. Jimmy Larida sa Barangay Anuling sa bayan ng Patikul dakong alas-4:30 ng madaling-araw.
Sumasailalim naman sa tactical interrogation ang dala wang suspek na sina Jamiri Jalisan at Hulmina Hatae, biyenan at asawa ng lider ng mga kidnaper na si Hajal Hatae.
Si Hatae ay kilalang kaalyado nina Sulu based ASG leader Radulan Sahiron, alyas Commander Putol, Albader Parad at Gaafur Jumdail, alyas Doc Abu Pula.
Gayunman, nakatakas sa ope rasyon si Hajal na pinaniniwalaang natunugan ang presensya ng Philippine Marines.
Ayon sa ulat, ang magkapatid ay kinidnap ng grupo ni Hatae noong Setyembre 16 sa Brgy. Kakuyagan, Patikul Sulu may isang linggo na ang nakalipas kung saan humihingi ng P1 milyong ransom kapalit ng pagpapalaya.
Sa halip na magbayad ng ransom ay idinulog ng mga magulang ng magkapatid ang problema sa MBLT 6 na agad namang nagsagawa ng rescue operations.
Napilitan naman ang mga kidnapper na pakawalan ang mga bihag matapos na ma batid na napapalibutan ng mga sundalo ang tatlong bahay na pinagtataguan sa mga bihag. Joy Cantos