KIDAPAWAN CITY – Pinasabog ng mga operatiba ng 63rd Explosives and Ordnance Disposal Team ang Philippine Army ang isang improvised explosive device na natagpuan ng mga pulis sa may Poblacion ng Carmen, North Cotabato, alas-9:00 ng gabi ng Huwebes.
Ayon kay Sr. Insp. Miraluna Ortega, hepe ng Carmen Police, nagpapatrolya sa may Poblacion ang kanyang mga tauhan nang mamataan nila ang isang kahina-hinalang bagahe na iniwan sa labas ng gate ng Northwest Central Elementary School sa Poblacion.
Ang IED, ayon kay Ortega, ay nakasilid sa isang sako. Maliwanag umano ang naturang erya kaya’t agad itong napansin ng pulisya. Ang IED ay naglalaman ng ammonium nitrate, mga pako, at naka-attach sa isang celfon na ginamit bilang triggering device.
Naniniwala si Ortega na nakatakdang pasabugin ng mga bomber ang IED kinabukasan kung saan maraming mga mag-aaral ang papasok sa naturang eskwelahan.