Masaklap na kinabukasan ang kakaharapin ng isang single parent na kasalukuyang pinagbabantaan ang kanyang buhay matapos mapaslang ang kanyang anak na lalaki ng magpinsang adik sa bayan ng Dasmarinas, Cavite noong Sabado (Sept.6).
Si Rhodel Samonte, 39, ay nagpapalipat-lipat ng tirahan mula sa kaniyang bahay sa Dasmarinas, kasama ang isa pang anak na 15-anyos para takasan ang tangkang pagsalubong ni kamatayan.
Sa pahayag ni Rhodel, nakatanggap siya ng pagbabanta mula sa pinsang lalaki ng suspek habang nakaburol ang anak na si Murphy, 20, noong Setyembre 6.
Si Murphy na graduating computer technician ay pinaniniwalaang binaril at napatay ng suspek na si Ryan Rafael.
Ayon kay Rhodel, noong Sept. 4, si Rafael kasama ang pinsang si Jenny Caringal ay dumating sa kanilang bahay sa Sadara Subd. at hinahanap ang kanyang anak na si Murphy.
Nang lumabas si Murphy ay kinompronta ni Rafael habang nakamasid si Caringal kaya tinangkang awatin ni Rhodel subalit itinulak siya.
Namataan naman ng pamangkin ni Rhodel na inabot ni Caringal ang baril kay Rafael at kasunod nito ay alingawngaw ng putok at duguang bumulagta si Murphy. Idineklarang patay sa De La Salle Hospital si Murphy dahil sa tama ng bala sa pagitan ng dalawang mata.
Sinasabing nagbubulag-bulagan naman ang kapulisan na maaresto sina Rafael at Caringal kahit na napaulat na pagala-gala sa nasabing lugar. May ulat na ipinagmamalaki ni Rafael na malakas ang koneksyon ng kaniyang pamilya sa pulitiko at ilang pulis sa Cavite.
“Natakot ako sa banta ni Rafael na isusunod niya akong papatayin kapag hindi iniatras ang kaso sa korte, at sinabi pa ng court personnel na anumang araw ay lalabas na ang warrant of arrest,” dagdag ni Rhodel. Nabatid na humingi ng proteksyon si Rhodel kay Mayor Jenny Barzaga subalit itinuro siya sa pulisya.
Nanawagan si Rhodel sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na bigyan ng hustisya ang pagpatay sa kanyang anak kahit na magbuwis pa siya ng buhay. Nestor Etolle