CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang notoryus na holdaper ang iniulat na napatay makaraang mang-agaw ng baril sa pulis habang nasa loob ng mobile car sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz, ang napatay na si Roger Chavez, 28, ng Tramo Street, Parañaque City.
Ayon sa police report, kasabwat ang isa pang holdaper, nangholdap sina Chavez na armado ng granada ng isang Bumbay sa may Barangay Bacao sa bayan ng Kawit, Cavite bandang alas-8 ng umaga.
Napag-alamang isinakay nina Chavez ang Bumbay sa traysikel at habang nakatutok ang patalim sa drayber ay nagpahatid patungong Barangay Pag-Asa, Imus Cavite.
Nang makakuha ng tiyempo ang drayber, bigla nitong inihinto ang traysikel sa paradahan sa nasabing lugar hanggang sa makatakas ang Bumbay pero nasunggaban naman ni Chavez ang drayber.
Dahil sa nasabing komosyon, nakakuha ito ng pansin sa ibang drayber hanggang sa pagtulungan nila si Chavez at mabitawan ang hawak na granada nito at sumabog.
Sugatan na itinakbo si Chavez sa Kalayaan Hospital dahil sa mga tinamong tama ng shrapnel ng granada at ililipat sa Emilio Aguinaldo Hospital habang escort ni PO1 Roberto Conmigno Jr. Napag-alamang habang patungo sa nasabing ospital sa bahagi ng Barangay Bucandala 5 sakay ng mobile car ay tinangkang agawin ni Chavez ang baril ni PO1 Conmigno.
Dahil dito, nagpambuno ang dalawa hanggang sa mapatay ni PO1 Conmigno si Chavez sa loob ng mobile car. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)