Pinaniniwalaang nasiraan ng bait ang isang binatilyong nag-amok kaya nagawang pagtatagain hanggang sa mapatay ang sariling ina at tiyahin sa bayan ng Tapaz, Capiz, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang dalawa na sina Adelina Mentino at Florenda Florentino na animo’y kinatay na baboy habang napatay naman ang nag-amok na si Arnel Florentino.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, naganap ang krimen sa Barangay Artuz kung saan napikon si Arnel sa pagbibiro ng kanyang pinsang si Lito Mentino kaya hinabol nito ng taga.
Nakatakbo naman sa kanilang bahay si Lito subalit sinundan pa rin ni Arnel kaya tinangkang awatin ni Adelina subalit siya ang pinagtataga.
Napag-alamang nakauwi naman sa kanilang bahay si Arnel at napagalitan naman ng kanyang inang si Florenda.
Dahil sa matinding depresyon ay naburyong si Arnel kaya pinagtataga rin ang sariling ina hanggang sa mapatay.
Hindi pa nakuntento sa ginawang krimen laban sa ina ay nagtungo sa bahay ng pinsang si Juvy Galagate na tinangka naman tagain ni Arnel.
Gayon pa man, lingid sa kaalaman ni Arnel, naihanda na ni Galagate ang baril na mabilis nitong pinaputok bago pa makalapit ang kanyang pinsan.