15 MILF rebs lagas sa bakbakan

Dumanas ng panibagong dagok ang mga rebeldeng kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades makaraang malaga­san ng 15-tauhan sa sumiklab na bakbakan sa bayan ng Maasim, Sarangani, noong Biyernes.

Ayon kay Major Armand Rico, regional Army spokesman, nakasagupa ng mga sun­dalo ng Army’s 73rd Infantry Battalion (IB) sa pamu­muno ni Lt. Col. Edgardo de Leon, ang tropa ni Kumander Kota sa kagubatang sakop ng Barangay Daliao.

Napag-alamang naka­tang­gap ng impormasyon ang mga sundalo kaugnay sa presensya ng mga armadong MILF renegades sa Sitio Ma­cao II na sinundan nila hang­gang sa umabot sa Brgy. Daliao sa nasabing bayan.

Agad nagsagawa ng ‘maneuvering operations’ ang military na pinuntirya ng Recoiless rifles ang kinaro­roonan ng MILF kung saan habang palapit ang mga sundalo ay dumarami ang mga kalaban.

Dalawa naman sa mga sun­dalo ang nasugatan ma­tapos na tamaan ng shrapnel mula sa rocket propelled grenade (RPG) na pinawalan ng MILF renegades.

Sa kasagsagan ng putu­kan ay 15 MILF rebs ang na­pa­tay na tinangay ng mga nagsitakas nitong kasama­han.

Bandang alas-3 ng hapon nang magsagawa ng clearing operations ang mga sundalo kung saan ay nakita ang maraming bakas ng dugo.

Sa nasagap na radio message ng MILF renegades  at base na rin sa pahayag ng mga residente malapit sa lugar ay aabot sa 15 MILF rebs ang namataang hinihila ng mga kabarong rebelde pag­takas sa lugar ng bakba­kan. – Joy Cantos

Show comments