KIDAPAWAN CITY – Rehas na bakal ang binagsakan ng 26 minero makaraang maaktuhang illegal na nagmimina ng ginto sa Barangay Pulang Bato sa bayan ng Tampakan, South Cotabato, kamakalawa.
Ayon kay Lourdes Jumilla, secretariat head ng Provincial Mining Regulatory Board ng South Cotabato, sangkot ang mga suspek sa tinatawag na “banlas” mining, paraan ng pagmimina na ginagamitan ng tubig at mercury kung saan sinisira nito ang kabundukan.
Kasama ni Jumilla sa operasyon laban sa mga minero ang ilang elemento ng pulis-Tampakan, Bravo Company ng 27th Infantry Battalion, mga opisyal ng Barangay Pulang Bato.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang chainsaw, water hose, weighing scale, at 100 gramo ng mercury.
Kabilang din sa pinagpupugaran ng mga iligal na minero ay ang Sitio B’langas sa Barangay Kematu sa bayan ng T’boli, South Cotabato.
Base sa pag-aaral, aabot sa 4 milyong metriko tonelada ng ginto ang nananatiling ‘di-pa nadi-develop sa bayan ng T’boli. (Malu Cadelina Manar)