Matagumpay na nailigtas ng mga sundalo ang lima-katao kabilang ang dalawang reporter makaraang maipit sa sagupaan ng militar at ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Kinilala ang dalawang nailigtas na reporter na sina Ferdinand Cabrera, stringer ng GMA 7 at ang station manager ng Radio Mindanao Network na si Bobong Calamba habang hindi naman natukoy sa ulat ang pangalan ng tatlong sibilyang nasagip ng mga sundalo ng Army’s 64th Infantry Battalion sa bisinidad ng Barangay Dapiawan.
Sa ulat ni AFP-Eastern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) spokesman Major Armand Rico, nagko-cover sa lugar ang mga reporter kasama ang tatlong iba pa nang ma-trap sa loob ng isang bahay habang nagkakaputukan ang mga sundalo at ang mga rebeldeng MILF.
Napag-alamang hindi makalabas ang lima sa bahay na pinagtaguan sa takot na tamaan ng ligaw na bala mula sa mga sniper ng MILF rebs.
Agad namang ipinag-utos ni Army’s 6th Infantry Division (ID) chief Major Gen. Raymundo Ferrer sa field unit commanders nito na iligtas ang dalawang reporter at ang tatlong kasamang sibilyan.
Kaugnay nito, muli namang umapela ang militar sa mediamen na makipag-coordinate sa AFP at maging sa PNP upang hindi mapahamak sa paghahatid ng sariwang mga balita sa publiko. Joy Cantos