Isang suspek sa panggagahasa at dalawa pang lalake ang pinagbabaril at napatay sa isang kabu kiran sa Sitio Mathay, Barangay Tuyo Siyudad, Balanga, Bataan kamakalawa ng gabi. Kinilala ni Bataan Police Director P/Sr.Supt. Manuel Gaerlan ang mga biktima na sina Ruben dela Cruz, 22-anyos, binata, walang trabaho; Joel Lopez, 18, walang hanapbuhay; at kapatid nitong si Noel, 22, binata, magsasaka kapwa nakatira sa Sityo Nagkamayan ng naturang Barangay. Galing umano ang mga biktima sa isang inuman nang mapatay kamakalawa ng gabi.
Sa ipinadalang report ni P/Insp. Marlon Cudal, deputy chief of police Balanga City kay P/Supt. Atty. Benjamin Silo Jr., hepe ng Balanga City Police Station, masayang nag-iinuman ang mga biktima kasama si Alex de Guzman sa bahay ng Lopez brothers alas-7:00 ng gabi at hindi nagtatagal ay iniwan ni de Guzman ang mga biktima na nag-iinuman pa rin.
Nabatid sa pulisya na may kinakaharap na kasong rape sa Bataan Provincial Prosecutor’s Office si dela Cruz. Hindi pa mabatid kung may police record din ang dalawa pang biktima. (Jonie Capalaran)