KIDAPAWAN CITY – Nahaharap ngayon sa 50 kasong kriminal ang hardcore leader ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na si Ameril Umbra Kato at kaniyang mga tauhan kaugnay ng serye ng pag-atake sa sinakop na 15 barangay sa pitong bayan ng North Cotabato may dalawang linggo na ang nakalipas.
Ayon kay P/Supt. Marcelo Pintac, hepe ng Regional Investigation and Detection Management (RIDM)-Region 12, inaasahang maisasampa pa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Central Mindanao ang kaso laban kay Kato.
Sa 50 kasong kriminal, 22 dito ang arson, 3 murder at ang iba pa ay kasong robbery kung saan karamihan sa mga nagreklamong residente ay mula sa mga Brgy. Dualing, Dunguan, Pangangan Uno at Barangay San Mateo na pawang sa bayan ng Aleosan.
Ayon naman kay P/Chief Supt. Felicisimo Khu, hepe ng Task Force Palma, kapag lumabas na ang warrant of arrest laban kay 105th Base Commander Umbra Kato at kanyang mga tauhan ay maituturing na mga ordinaryong kriminal ang nasabing grupo.
Bukod sa pagsasampa ng mga kaso, isinasailalim na rin sa masusing ebalwasyon ni Kidapawan City Prosecutor Al Calica, ang kriminal aktibidades na kinasangkutan ng grupo ni Kato at ng kanyang mga tauhan kung maituturing din itong act of terrorism sa ilalim ng batas.
Matatandaan na puwersahang inokupa noong Hulyo 31 ng grupo ni Kato ang 15 barangay sa mga bayan ng Aleosan, Midsayap, Palimbang, Pikit, Northern Kabuntalan, Alamada at Pigkawan kung saan nagpalabas ng ultimatum ang gobyerno noong Agosto 1 upang lisanin ng MILF rebs ang nasabing mga lugar.
Matapos ang ekstensyon ng ultimatum hanggang Agosto 3 ay naglunsad ng surgical strike operations ang AFP laban sa grupo ni Kato na umatras sa lugar matapos ang 3-araw na opensiba ng militar.