GENERAL SANTOS CITY– Matinding takot ngayon ang nangingibabaw sa mga residente ng North Cotabato kung saan tatlong improvised explosive device na ang nadiskubre ng mga alagad ng batas.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Felizardo Serapio, Jr. panibagong bomba na nakalagay sa maliit na kahon ang natagpuan malapit sa Japs Swimming Resort may ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ni Mayor Lito Piñol sa hangganan ng Dagohoy Street at Barangay Dungguan sa bayan ng M’lang, North Cotabato, noong Biyernes ng gabi.
Ito ang pangatlong bomba na nai-detonate ng pulisya sa bayan ni Vice Gov. Emmanuel Piñol.
Sa tala ng pulisya, noong Biyernes ng umaga, isang bomba rin ang narekober at na-detonate sa Pilot Elementary School sa bayan ng M’lang.
Noong Huwebes naman ay isa pang bomba ang narekober sa terminal ng Kidapawan City.
Nadakip naman si Alimuddin Norudin Langalen, alyas Nurudin Alilaya ng Brgy. Dunguan, M’lang, na pangunahing suspek sa pambobomba noong Huwebes sa pamilihang bayan ng M’lang.
Naniniwala naman si Mayor Piñol, na pananakot ng grupong MILF dahil pa rin sa mainit na usapin ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain na mariing tinututulan ng bise-gobernador. Malu Manar at Boyet Jubelag