Dahil hindi pinayagan ng ina na manghuli ng ibon na panghanda sana sa kaniyang ika-8 taong birthday, nag-suicide sa sama ng loob ang isang batang lalaki sa Barangay Banquerohan, Cadiz City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, idineklarang patay sa Cadiz City Emergency Clinic ang biktimang itinago sa pangalang “Jonathan” na natagpuang nakabiting may nakapalupot na sinturon sa leeg sa loob ng kanilang tahanan.
Sa pahayag ng ina ng biktima, birthday ng kanyang anak noong Lunes subali’t dala ng kahirapan ay walang pambili ng pagkaing panghanda.
Napag-alamang pumasok pa sa eskuwelahan ang biktima at nagpaalam itong manghuhuli na lamang ng ibon para may mapagsaluhan sa kaniyang kaarawan subali’t hindi ito pinayagan ng kanyang ina.
Inamin ng ina na kanyang pinalo ang anak at sinabihang tumigil sa bahay at mag-aral ng kanyang lesson.
Sa puntong ito ay kanya itong iniwan sa bahay, subalit makalipas ang 30-minuto ay nagulat siya nang matagpuang nagbigti na ang kanyang anak.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso upang alamin kung may naganap na foul play sa insidente.