Suspek sa masaker nagbigti

QUEZON – Pinaniniwalaang inusig ng budhi kama­kalawa kaya nagbigti sa loob ng selda ang pangunahing sus­pek sa brutal na pagpatay sa limang sibilyan noong Ling­go ng gabi sa bayan ng Atimonan, Quezon. Sa isinagawang post-mortem examination ni Dra. Maricel Leal, municipal health officer ng Atimonan, lumilitaw na walang foul play na naganap sa pag­papatiwakal ni Mario Banal na natagpuan ang katawan nito na nakabitin sa palikuran ng kulungan ban­dang alas-6 ng gabi. Ayon kay P/Supt. Ronnie Miralles, hepe ng Atimonan police, si Banal ay itinuturong pumaslang kina Elizabeth Dela Torre, 27; mga anak nitong sina Elisa, 3; Arvin, 5; Aizlli Nicole, 4 buwang gulang at kapitbahay na si Rose Marie San Juan,12, pawang mga residente ng Barangay Malusac, Atimonan, Quezon noong Huwebes ng gabi. Tony Sandoval at Arnell Ozaeta

Kahera patay sa holdap

ORMOC CITY,  Leyte – Ilang oras pa lamang ang nakalipas matapos mapatay ang may-ari ng restaurant, isa na naman karahasan ang naganap kung saan isang 32-anyos na kahera ang binaril at napatay ng isang holdaper sa harapan ng pinapa­sukan nitong appliances center sa Lilia Avenue, Barangay Cogon sa Ormoc City, Leyte noong Lunes ng gabi. Ang biktimang napuruhan sa dibdib ng bala ng baril ay nakilalang si Fatima Baylosis y Abaño, may asawa at cashier ng EMCOR appliances center at residente ng Brgy. Tambulilid. Ayon kay  P/Senior Insp. Joseywells Estopen, hepe ng PCP1, kalalabas pa lamang ng appliance center ang biktima nang lapitan ng isang ‘di-kilalang lalaki  at hinablot  ang handbag nito. Nanlaban ang biktima kaya nagalit ang suspek hanggang sa maganap ang pamamaslang. Nakatakas naman ang holdaper lulan ng motorsiklo. Roberto C Dejon

Brodkaster inambus, comatose

Nasa comatose na kalagayan ang isang 35-anyos  na broad­ caster matapos itong pagbabarilin ng ‘di-pa  kilalang lalaki  noong Lunes ng hapon sa kahabaan ng highway na sakop ng General Santos City. Ang biktimang si Dennis Cuesta, program director ng dxMD  Radio Mindanao Network ay nagtamo ng mga tama ng bala ng baril kung saan isa ay naglagos sa utak. Sa pahayag ng misis nitong si Gloria, hindi pa rin nanu­numbalik ang ulirat ng kaniyang mister  na nanatiling nasa In­ten­sive Care Unit ng Saint Elizabeth Hospital kung saan 50-50 ang tsansa nitong mabuhay. Gayon pa man, kahit mabuhay  ang biktima na isinasailalim sa CT scan, kalahati ng katawan nito ay paralisado na rin. Kasalukuyan namang sinisilip ng pu­lisya ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pamamaril. Joy Cantos

Show comments