BATANGAS – Tinatayang aabot sa 100 fish cages ang sinalanta ng fishkill sa dalawang barangay sa Taal Lake sa bayan ng Agoncillo, Batangas nitong nakalipas na mga araw, ayon sa mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa panayam ng PSNgayon kay Rosario Del Mundo, officer-in-charge ng Provincial Fishery Office ng BFAR sa Region 4A, naglutangan ang mga isdang tilapia at bangus sa mga fish cages na sakop ng mga Barangay Sandal Bato at Manalao simula pa noong Sabado ng July 26 hanggang 28.
Umaabot sa 124.12 metric tons na isda ang naapektuhan ng fishkill na nagkakahalaga ng P8.5 milyon sa nabanggit na lugar.
Base sa report ng BFAR, ang biglang pagbabago ng hanging habagat ang nagdulot ng paglutang ng hydrogen sulfide mula sa ilalim ng mga baklad na naging sanhi ng pagkaubos ng oxygen na ikinamatay ng tone-toneladang isda.
Patuloy naman ang pagbaklas sa mga baklad para dumaloy ang tubig sa lawa ng Taal at makontrol ang pananalasa ng fishkill. (Arnell Ozaeta)