Binawian ng buhay kahapon ang isang 16 anyos na nursing coed na kabilang sa 35 sugatang biktima ng malagim na pambobomba sa Metro Shuttle Bus sa terminal ng Digos City, Davao del Sur nitong Huwebes ng tanghali.
Kasabay nito, ayon kay Police Regional Office 11 Director Chief Supt. Andres Caro II, lumalakas ang teorya na ang grupo ng Al Khobar extortion group ang nasa likod ng pambobomba.
Ang nasawi ay nakilalang si Sarah Fe Abelle na tuluyan nang namatay kahapon ng umaga sa Davao Medical Center.
Dakong alas-11:50 ng tanghali kamakalawa nang sumabog ang bomba na itinanim sa Metro Shuttle Bus na may plakang LDS- 506 sa pampublikong terminal ng Digos City.
Iniulat naman ng City Disaster Coordinating Council, na sa kabuuang 35 nasugatan sa pambobomba ay 27 rito ang pasahero mismo ng bus. (Joy Cantos)