Cebu – Isang kinatay na katawan ng isang babae na isinilid sa isang malaking plastik ng basura ang natagpuan sa tabi ng isang sapa sa bukiring bahagi ng Barangay Campo-8 sa Minglanilla, Cebu kahapon ng tanghali.
Ayon kay P02 Avelino Celoria ng Minglanilla Police, mga batang kalalabas palang sa kanilang paaralan ang nakakita ng isang asong may hinihilang braso ng tao.
Dahil dito ay dali-daling nagsuplong ang kabataan sa opisyal ng barangay at saka ipinagbigay alam sa pulisya nang makumpirmang braso nga ng isang babae ang dala-dala ng aso. Bukod sa pagkakaputul-putol ng katawan ng ‘di pa nakikilalang katawan ng biktima ay sinasabing pati ang ari nito ay biniyak din. Base sa nakikitang nakatiwangwang na bag ay dalawang binti ang nakausling pinutol mula sa singit.
Putol din ang beywang nito mula sa pusod pati na rin ang kanang braso. Maliban dito ay may isa pang platic bag din na kulay itim sa tabi ng pinagtagpuan ng katawan na pinanini walaang ang laman ay parte rin ng katawan ng tao.
Base na rin sa pagsisiyasat ay pinaniniwalaang katawan ng isang batam-bata pang babae ang nasabing bangkay dahil sa laki ng brasong sinimulan na sanang lapain ng asong gala. (Edwin Ian Melecio)