KIDAPAWAN CITY – Dalawang sibilyan ang iniulat na namatay, habang 18 iba pang nasugatan makaraang pasabugin ang dalawang pampasaherong bus sa Digos City overland terminal, kahapon ng umaga.
Ayon kay Army Maj. Randy Cabangbang ng Eastern Mindanao Command, unang pinasabog ang Davao Metro Shuttle bus na may plakang LDS 506, at sumunod ang isa pang bus na may body number 176 na nakaparada lang sa terminal.
Napag-alamang kabababa lang ng mga pasahero mula sa bayan ng Bansalan, Davao del Sur sakay ng Davao Metro Shuttle bus nang sumabog ang bomba.
Nabatid na magkakaiba ang ulat tungkol sa dami ng mga nasawi at nasugatan sa pagsabog.
Kabilang sa mga biktimang dinala sa Davao del Sur Provincial Hospital ay sina Pinky Patalinhog, Alfonso Rebuyon, Llanel Monteporte, Jean Monporte, Marites Orbuda; Jesus Dirio, Roberto Doroma, Flor Rami, Jerry Lamak, Donire Timpron, Llonodido Marginok, Angelita Hinsalya, Lonito Sanidigan, PO1 Andres Alfonso, Ricardo Ricana, Magna Parantar, Mayones Tsanses, Angelita Delcaria, Pidelito Recana, Dexter Malda, Gloria Canal, Christian Tsanses, at si Zyra Adelyero .
Sa report ni P/Chief Insp. Anthony Padua, hepe ng Digos City PNP, nabatid na 29-pasahero ang tinamaan ng shrapnel ng bomba.
Sinabi ni Cabangbang na patuloy pang inaalam ng mga operatiba ng Explosives and Ordnance Disposal (EOD) Team, ang anggulong extortion at ang grupong may kinalaman sa insidente.
Isa ang Davao Metro Shuttle Bus company sa mga kompanya ng bus na nagbi-biyahe sa Cotabato-General Santos-Davao route na nakatatanggap ng mga extortion threat mula sa isang extortion ring na nag-ooperate sa central Mindanao.
Samantala, naunang inihayag ni AFP Eastern Mindanao Spokesman Major Armand Rico na tatlo ang nasawi pero bandang alas-4 ng hapon ay binawi niya ang nasabing ulat at wala pang kasiguruhan kung mabubuhay ang mga ito.