5 pulis sa SBMA kinasuhan ng extortion

OLONGAPO CITY – Pormal nang isinulong ng Subic Bay Metropolitan Authority ang kasong ad­ministratibo laban sa li­mang Law Enforcement Department personnel na isinasangkot sa reklamo ng isang 18-anyos na kole­hiyala noong Hunyo 10.

Ayon kay SBMA deputy administrator for administration Robert Martinez, nagsumite ng paliwanag ang mga akusadong police officers na sina Nelson Samaniego, Isagani Agno, Rolly Piscos, Conrado Acosta  at  Renante  Vi­cente, sa kasong extortion, acts of lasciviousness at grave misconduct na isi­nampa ng biktima sa Olongapo City Prosecutors Office.

Ito ay base na rin sa rekomendasyon ng SBMA Intelligence and Investigation Office (SBMA-IIO) na naunang nagsagawa ng imbestigasyon hinggil sa kaso matapos ang insi­dente.

Batay sa ulat, naganap ang insidente noong Hunyo 10 ng madaling-araw kung saan hinarang ng mga suspek ang biktimang nag­lalakad sa Rizal Highway mula sa Magic Lagoon restaurant.

Napag-alamang pinosa­san ng mga suspek ang biktima bago tinangay ang P8,000 at pinaghihipuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan saka iniwanan sa gilid ng highway.

Sumaklolo sa biktima ang isang kawani ng na­bang­git na establisye­mento at naipaabot sa ki­nauukulan ang insidente.

Positibo naman kinilala ng biktima ang mga suspek matapos ang police line-up. (Alex Galang)

Show comments