Aabot sa 50 kabahayan ang tinupok ng apoy sa Mandaue City, Cebu kamakalawa. Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente bandang alas-2:30 ng hapon sa bahagi ng Zone Kamunggay, Bgy. Paknan ng nasabing lungsod. Sa loob ng 15-minuto, umabot kaagad sa 50 kabahayan ang nadamay sa sunog na may P720, 000.00 ang kabuuang pinsala na patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad. Joy Cantos
Consultant itinumba
BATANGAS – Pinagbabaril at napatay ang isang consultant ng Tanauan City Hall ng ‘di-pa kilalang lalaki sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Malaking Pulo, Tanauan City, Batangas kamakalawa. Kinilala ni P/Senior Supt. David Quimio, Batangas police director, ang biktimang si Crispino “Carding” Maglo, 56, consultant sa agriculture office ng Tanauan City Hall at dating kabesa ng nabanggit na barangay. Ayon sa police report, nagbubukas ng street light ang biktima nang lapitan at ratratin ng ‘di-kilalang lalaki. Arnell Ozaeta
Municipal accountant nilikida
Pinahirapan muna bago pinaslang ang municipal accountant sa Davao del Norte kamakalawa ng umaga. Ang biktimang nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at basag ang mga ngipin ay kinilalang si Rolando Bedis na natagpuan sa bisinidad ng Purok 2 sa Brgy. New Visayas, Panabo City dakong alas-5:45 ng umaga. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, hindi pagnanakaw ang motibo dahil suot pa rin ng biktima ang kanyang relo at nasa katawan pa rin nito ang celfone. Joy Cantos