CAMARINES NORTE – Umaabot sa dalawampung mag-aaral ang iniulat na nasugatan kabilang na ang apat na malubhang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang pampasaherong jeepney sa Naga City, Camarines Sur kamakalawa.
Kabilang sa mga biktimang nasa kritikal na kalagayan ay sina Ira Deleova, Melanie Senar, Michael Alfon at si Fernando Clariza na ginagamot sa Bicol Medical Center sa Naga City.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naitala ang sa kuna dakong alas-5 ng hapon sa bisinidad ng Barangay Maangas ng nasabing lungsod.
Napag-alamang patungo sa bayan ng Presentacion mula sa bayan ng Gao ang pampasaherong jeepney nang mamataan ng drayber na papauwi sa Barangay Adjangao ang mga estudyante ng Maangas National High School.
Nabatid na may kargang 20 sako ng bigas ang nasabing jeepney kung saan pinasakay ng driver ang mga estudyante sa bubungan habang ang iba ay nakasabit naman sa sasakyan.
Gayon pa man, habang papaliko sa pakurbadang kalsada ang sasakyan ay nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber kaya nagtuluy-tuloy na bumulusok sa bangin. Francis Elevado at Joy Cantos