Rizal – Patay ang dalawang pinaniniwalaang miyembro ng Waray-Waray kidnap for ransom group makaraang makipag-engkuwentro sa pulisya sa isang checkpoint kahapon ng madaling-araw sa Cainta, Rizal.
Ayon kay Supt. Nereo Torrecampo, hepe ng Cainta police, ang mga nasawing suspek na sina Antonio Mentes Jr. 36, ng San Isidro, Mc Arthur, Leyte at Ricardo Aminos 30, nakatira naman sa Pasig City, ay ang mga nakatakas na mga kasama ng apat na naunang napaslang na mga kidnapper sa Antipolo City nang makipagbarilan din sa mga ito sa otoridad noong Hunyo 30.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng ROTC Hunters, Barangay San Juan ng nasabing bayan.
Nauna dito, dumaan ang mga suspek na magkaangkas sa isang walang plakang motorsiklo at walang suot na helmet sa isang checkpoint ng Cainta Police sa kanto ng Junction at Felix Avenue, Ortigas Extension.
Dahil dito, pinatigil ng pulisya ang mga ito subalit imbes na huminto ay mabilis pa nilang pinatakbo ang motorsiklo palayo sa checkpoint.
Agad na hinabol ng pulisya ang mga suspek hanggang sa magkabarilan ang magkabilang panig.
Nasukol ang mga suspek sa Barangay San Juan at napatay ng pulisya.
Base sa nabasang text message na nakuha sa mga cell phone ng mga suspek, minamanmanan ng mga ito ang isang negosyanteng Filipino-Chinese na nakatira sa isang kilalang subdibisyon sa nasabing bayan na balak nilang kidnapin.