Umabot sa pito-katao ang iniulat na nasawi habang 71 iba pa ang naratay makaraang manalasa ang diarrhea sa Guilhulngan City at tatlo pang bayan sa Negros Oriental, ayon sa ulat kahapon. Sa report na tinanggap kahapon ng Office of Civil Defense, mula sa Department of Health (DOH) sa Central Visayas, karamihan sa mga bitkima ay mula sa Guilhulngan City. Maliban sa Guilhulngan City ay kabilang pa ang mga bayan ng Vallehermoso, Tayasan at Jimalalud na sinalanta ng diarrhea. Sa pitong nasawi, anim dito ay mula sa lungsod ng Guilhulngan at isa naman ay mula sa bayan ng Tayasan. Sinabi naman ni Dr. Socrates Villamor, hepe ng Epidemiology Surveillance Unit sa Negros Oriental, tiniyak nito na walang diarrhea outbreak sa mga apektadong lugar. Base naman sa resulta ng pangunang pagsusuri ng Regional Epidemiology Surveillance Unit ng DOH-Central Visayas ang diarrhea outbreak ay sanhi ng bagyong Frank kung saan nasira ang mga tubo na daluyan ng malinis na inuming tubig. Kaugnay nito, pinayuhan naman ng mga health official ang mga residente na pakuluan munang mabuti ang tubig na iniinom upang makaiwas sa sakit na diarrhea. Joy Cantos