KIDAPAWAN CITY – Kalaboso ang binagsakan ng isang wanted na kidnapper sa North Cotabato makaraang maaresto ng pulisya sa public plaza ng Fort Pikit sa bayan ng Pikit, noong Martes ng umaga.
Pormal na kinasuhan ng pulisya ang suspek na si Saludin Lampangan, 22, ng Barangay Gocotan, Pikit.
Ayon kay P/Senior Insp. Elias Dandan, hepe ng Pikit PNP, si Lampangan, ay sinasabing kanang kamay ni Datucan Samad, lider ng grupong dumukot sa German national na si Thomas Wallraf, misis nito, at dalawa pang kasama sa Pikit noong May 31, 2007.
Napag-alamang isa si Lampangan sa siyam na kinasuhan ng kidnapping-with-ransom ng PNP noong June 2007 dahil sa pagdukot kay Wallraf at tatlong iba pa.
Noong Hunyo 24, 2008, nadakip ng mga awtoridad ang lider ng grupo na si Samad sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur, subalit makalipas ang isang linggo ay pinakawalan din dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
Ayon sa report ng intelligence unit ng PNP, maliban sa kidnapping, sangkot din ang grupo ni Lampangan sa gunrunning sa central Mindanao.
Simula 2007, aabot na sa 80 malalakas na kalibre ng baril ang naibenta ng nasabing grupo, ayon sa report. Malu Cadelina Manar