Rehas na bakal ang binagsakan ng isang misis at lover nito matapos maaktuhan ng mister ng una na nagtatalik sa mismong kama nilang mag-asawa sa Purok 3-A, Barangay Canocotan, Tagum City, Davao del Norte kamakalawa.
Lumuluhang dumulog sa himpilan ng pulisya sa Tagum City ang mister na itinago sa pangalang Jorge para ireklamo at ipinaaresto ang kaniyang misis na itinago sa pangalang Anna gayundin ang ka-textmate na naging lover nito na isang nagngalang Noel Moloro ng Malagamot, Panacan Distrcit, Davao City.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nabuo ang illicit affair ng dalawa dahil sa text na libangan ng nasabing misis.
Dumayo pa sa Tagum City si Moloro upang makipagkita sa ka-textmate at dahil wala ang mister ng ginang ay sinamantala ng dalawa ang pagkakataon upang magtalik sa silid nilang mag-asawa.
Gayon pa man, sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang umuwi ang nasabing mister upang sorpresahin sana ang asawa subalit nagulantang sa kaniyang natuklasang pagtataksil ng sariling misis.