QUEZON – Isa na namang mamamahayag ang iniulat na napaslang habang malubha naman ang kanyang anak na babae makaraang tambangan ng mga ‘di-kilalang kalalakihan ang mga biktima sa bahagi ng Barangay Lutucan Malabag sa bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa.
Walong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Fausto “Bert” Sison, 58, brodkaster (blocktimer) ng dzAT sa Lucena City, correspondent ng Eyewatch Newspaper at residente ng Barangay Guisguis.
Malubha naman si Liwayway Andaya, 30, na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likuran at braso, habang nakaligtas naman ang isa pang anak ni Fausto na si Almira Panganiban, 24, matapos magkunwaring patay.
Sa pahayag ni P/Chief Inspector Laudemer Llaneta, police chief sa nabanggit na bayan, papauwi na ang mag-aama sakay ng kulay asul na Toyota Corolla (PEU 887) nang harangin at ratratin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Nang bumangga sa puno ng niyog ang sasakyan ng mga biktima ay nilapitan pa at muling pinagbabaril.
Nagawa pang iharang ng brodkaster ang kanyang katawan upang saluhin ang bala para sa kanyang dalawang anak.
Nagkunwang patay naman si Almira habang nakatakbo palabas ng kotse si Liwayway subalit sinundan at pinagbabaril ng isa sa killer. Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan sa trabaho ng mga biktima ang naganap na krimen. Dagdag ulat ni Joy Cantos