SAN ILDEFONSO, Bulacan – Lima katao ang patay habang anim pa ang nasa malubhang kalagayan matapos magsalpukan ang dalawang truck sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Maasim sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.
Batay sa imbestigasyon ng San Ildefonso Police, binabagtas ng Isuzu Forward na may plakang WEB-265 na may lulang mga buko ang kalsada papaluwas ng Maynila nang bigla na lamang itong salpukin ng isa pang Isuzu Forward Truck na may plakang REZ-394 na may lulang mga isda habang patungo naman ito sa Cabanatuan City, bandang ala-1:45 ng madaling-araw kahapon.
Ayon sa pulisya, dead- on-the-spot ang sakay ng trak ng buko na sina Jimmy Rosete, Benedict Rosete at Ronnie Mandas habang nasa malubha namang kalagayan sina Danny Rosete at Ron-ron San tos, pawang mga residente ng Matawi, Dinggalan, Aurora
Namatay din ang sakay ng trak ng isda na patungong Cabanatuan City na sina Gabby Bulanghagui at Christian Carasco. Nasa kritikal na kalagayan ang driver nitong si Salvador Pedoco at mga pahinanteng sina Jonathan Manalo, Rene Manlusok at isang alyas Aldrin.
Ayon sa pulisya, wasak ang dalawang truck dahil sa salpukan matapos mawala sa linya at suyurin ng truck ng isda ang kasalubong na truck ng buko.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple serious physical injuries at damage to property si Pedoco.