Napaslang sa pakikipagbarilan sa tropa ng militar ang isang kumander ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na responsable sa pagdukot kay Italian priest Fr. Giancarlo Bossi noong Hunyo 2007 sa isinagawang operasyon kahapon ng hapon sa bayan ng Kabasalan, Zamboanga Sibugay.
Batay sa report na tinanggap kahapon ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Alexander Yano, kinilala ang napatay na si Kiddie Abdusalam, alyas Commander Kiddie.
Si Commander Kiddie, pinuno ng MILF Special Operations Group ay itinuturong kumidnap kay Fr. Bossi.
Isisilbi sana ang warrant of arrest laban kay Commander Kiddie ng pinagsanib na elemento ng Military Intelligence Group (MIG) 21 at 102nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Barangay Riverside, Poblacion, Kabasalan nang nakipagbarilan ito sa tropa ng sundalo.
Magugunita na si Fr. Bossi ay kinidnap sa Payao, Zamboanga Sibugay noong Hunyo 10, 2007 at nailigtas naman noong Hulyo 19 sa Karomatan, Lanao del Norte. Joy Cantos