KIDAPAWAN CITY – Anim-kato ang iniulat na namatay habang 15-iba pa ang nasugatan makaraang bumangga ang Isuzu elf truck sa kasalubong na motorsiklo saka bumaligtad sa President Roxas Highway sa North Cotabato na itinuturing na ‘accident-prone’ noong Lunes ng hapon.
Kabilang sa mga nasawi na sina Edgar Gregorio, Clemente Gregorio, Muray Manggalay mag-utol na Tata Marceliana, 14; at CJ Marceliana, 4; at ang truck helper na si Roldan Upos.
Ginagamot naman sa North Cotabato Provincial Hospital sina Alfredo Lopez, driver ng truck; Geoffrey Baclagon, driver ng XRM motorcycle; at mga nakiangkas lang sa nasabing trak na sina Clarita Lopez, Rodel Yamit, Alex Alejandro, Thelma Sasi, Nimrod Marceliana, Hernan Erbite, Erwin Ortega, Robert Ortega, Jenny Barrientos, Darren Pido, Nenita Manggalay, at si Ryan Dosaga, pawang mga residente sa bayan ng President Roxas.
Sa ulat ng hepe ng pulisya na si P/Senior Insp. Susana Guihiling, pababa ng Poblacion ang Isuzu Elf truck na may plakang LCK 896 mula sa bisinidad ng Barangay Mabuhay para magbenta ng saku-sakong palay nang mawalan ito ng preno sa erya kung saan madalas may mga naaaksidenteng sasakyan.
Nagkataon namang nakasalubong ng Isuzu Elf truck ang papaakyat na Honda XRM motorcycle ni Baclagon kaya ‘di-nagawang ikabig pa ng driver ang truck sa isang ligtas na lugar kaya’t nahagip nito ang motorsiklo saka bumaliktad.
Napag-alamang pumailalim sa truck si Baclagon at nayupi ang kanyang motorsiklo.
Nabagsakan naman ng mga saku-sakong palay ang mga biktimang nakiangkas sa nasabing truck elf na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Kasalukuyang naka-impound sa PNP station ng President Roxas ang Isuzu Elf truck para papanagutin ang driver at may-ari sa naganap na sakuna, ayon kay Guihiling. Dagdag ulat ni Joy Cantos