CAMP VICENTE LIM, Laguna – Inilabas na sa mga mamamahayag ang carthographic sketch ng isa sa dalawang suspek na dumukot sa hipag ni Laguna Vice Governor Ramil Hernandez sa harap ng computer school noong Biyernes ng umaga sa Calamba City, Laguna.
Ayon kay P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr, Laguna police director, ang naturang suspek na isinalarawan ng anak ng biktima ay may edad na 36-anyos pataas, 5’6 hanggang 5’7 ang taas, maskulado at maitim ang balat.
Sa naging pagpupulong ng mga awtoridad at pamilya Hernandez, nagdesisyong lumabas ang pamilya ng biktima sa media para humingi ng tulong sa pagpapakalat ng carthographic sketch ng suspek.
Sa tala ng pulisya, dinukot ang 32-anyos na hipag ni Vice Governor Hernandez na si Jocelyn ng dalawang di-pa kilalang kalalakihan habang nasa harap ng Asian Computer College sa Barangay Mayapa bandang alas-9 ng umaga.
Napag-alamang sinamahan ni Jocelyn na magpa-enroll ang anak na si Aiza nang lapitan ng mga suspek at pilit na inaagaw ang handbag nito.
Nang tumangging ibigay ni Jocelyn ang bag, sinikmuraan ito bago isinakay sa traysikel nang mawalan ito ng malay-tao.
Ayon sa mga saksi, sumibat patungong Barangay Batino ang mga suspek habang iniwan naman ang batang Hernandez sa nabanggit na lugar.
“Nananawagan kami sa mga tao na baka sakaling may nalalaman sa pangyayari na sana ay makipag-ugnayan lang sa amin o sa mga alagad ng batas,” panawagan ni Vice Gov. Her nandez
“Hindi planado ang pagdukot sa biktima, bag lang talaga ang target nila but she just became a target of opportunity nung mawalan s’ya ng malay-tao,” pahayag ni Rojas.