CEBU CITY — Niratrat at napatay ang tumatayong abogado ng Lapu-Lapu City mayor ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng V. Sotto Street, Barangay Tinago sa Cebu City, Cebu kahapon ng umaga.
Napuruhan sa ulo ng bala ng baril si Atty. Richard William “Dick” Sison matapos pagbabarilin ng mga kalalakihang nakamotorsiklo habang nakahinto sa kalagitnaan kalsada dahil sa traffic stop signal.
Si Sison ay tumatayong legal counsel ni Lapu-Lapu City Mayor Arturo Radaza dahil sa kasong administratibo kaugnay sa overpriced lamppost na kung saan kabilang sa kinasuhan ng Ombudsman ay ang dating mayor ng Mandaue City na si Thadeo Ouano at ang 17 matataas na opisyal ng DPWH-7.
Nakarekober ng 14 basyo ng bala ng 9mm at walong slugs sa crime scene partikular na ang bag ng biktima na may baril at mga papeles sa kasong pinanghahawakan.
Kaagad naman bumuo ng Task Force Sison si P/Supt. Patrocinio Comendador, provincial police director. Edwin Ian Melecio