Napaslang sa shootout ang pangunahing suspek sa Calamba massacre makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Barangay Hornalan sa Calamba City, Laguna kahapon ng hapon.
Kinumpirma kaha pon ni Director General Avelino Razon Jr., ang pagkakapatay sa suspek na si Bernabe “Abe” Defiesta, 29.
Ayon sa ulat, sinalakay ng pulisya ang pinagtataguan ni Defiesta sa lumang bahay na pag-aari ng kaniyang tiyuhing si ex-SPO4 Florencio Peria sa nabanggit na barangay.
Sa halip na sumuko ay nakipagbarilan ang suspek sa mga tumutugis ng pulisya.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang M16 Armalite rifle naman ni ex-SPO4 Peria na ginamit ni Defiesta sa pamamaslang sa walo-katao.
Kaugnay nito, pormal na kinasuhan si Peria matapos na sumabit sa krimeng isinagawa ni Defiesta.
Magugunita na 8-katao ang kumpirmadong nasawi kabilang ang limang bata habang anim pa ang nasugatan matapos na ratratin ni Defiesta kamakalawa ng madaling-araw.
Lumutang naman sa pagsisiyasat na vendetta ang isa sa mga pangunahing motibo sa pamamaslang dahil sa sinasabing madalas na panlalait ng mga biktima laban kay Defiesta. Joy Cantos