CALUMPIT, Bulacan –Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang three-time mayor ng Calumpit makaraang pagbabarilin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki kung saan itinaon sa pagdaraos ng kapistahan sa Barangay Calizon noong Linggo ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, provincial police director, ang biktima na si Ramon Pagdanganan, 54, naging alkalde simula noong1995 hanggang 2004 at nakababatang utol ni ex-Governor Roberto “Obet” Pagdanganan na dating kalihim ng Department of Agrarian Reform at chairman ng Philippine Trading Center.
Ayon sa ulat, nakikipag-inuman ng alak ang biktima sa mga kaibigang sina Willy Paras, Celeste Fajardo, Raymundo Fajardo, Jurie Malinao, and Coleto Estoque nang lapitan at ratratin sa likurang bahagi. Sugatan naman si Paras matapos tamaan ng ligaw na bala.
Nabatid na hindi kaagad napansin ang krimen dahil inakala ng mga dumadalo sa prosesyon na kuwitis at iba pang uri ng fireworks ang nilikhang putok ng baril kung saan duguang napalugmok ang biktimang naisugod pa sa Calumpit District Hospital at inilipat sa Bulacan Provincial Hospital kung saan siya idineklarang patay dahil sa mga tama ng bala sa ulo.
Samantala, nadismaya naman si Ex-Gov. Obet Pagdanganan sa isinasagawang imbestigasyon na pinaniniwalaang mabagal.
“Hindi agad dinala sa ospital ‘yung kapatid ko dahil maghihintay pa raw ng mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO), eh halos isang oras bago dumating ‘yung SOCO,” pahayag ng ex-governor.
Kaugnay nito, sinabi ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., na handa nilang bigyang seguridad si Obet Pagdanganan matapos na mabatid na maging ito ay may banta rin sa kaniyang buhay. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)