BULACAN – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa dating ministro ng Iglesia Ni Cristo at ngayon ay program host ng “Ang Dating Daan” (ADD) makaraang tambangan ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa toll gate ng San Simon, Pampanga kahapon ng umaga.
Anim na tama ng bala ng .38 cal. ang tumapos sa buhay ni Marcos Balais Mataro, 40, host ng programang X-Man UNTV Channel 37 at nakatira sa ADD compound sa Barangay Sampaloc, Apalit Pampanga.
Ayon sa hepe ng pulisya sa San Simon na si P/Senior Insp. Francisco Cortez, si Mataro ay may kasong attempted homicide sa Apalit Municipal Trial Court at Quezon City Regional Trial at nagpiyansa para makalaya.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naitala ang pananambang dakong alas-10:30 ng umaga sa nabanggit na lugar.
Napag-alamang nag-aabang ng pampasaherong bus patungong Maynila ang biktima nang lapitan at ratratin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklong Yamaha (DY 4524).
Narekober naman ng pulisya ang motorsiklong ginamit ng gunmen matapos abandonahin sa nasabing lugar.
Si Mataro na dating INC minister ay nagtapos ng Evangelical Ministry sa New Era University sa Quezon City, Metro Manila.
Nabatid na si Mataro na kung tawagin ay “Bro. Marcos” ay miyembro na ng ADD at pinaniniwalaang isa sa mga nagsiwalat ng mga umano’y katiwaliang nagaganap sa INC.
Sinisilip ng mga imbestigador kung may kinalaman sa krimen ang kinakaharap na kasong isinampa laban sa biktima.