May posibilidad na sobrang kakulitan, kaya aksidenteng nabigti at namatay ang isang 3-anyos na batang lalaki sa butas ng kanilang kisame sa KM5, Carnation Street sa Barangay Buhangin, Davao City kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Rafael Cunanan na naisugod pa sa Davao Medical Center, subalit idineklarang patay.
Sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Crame, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakabitin sa kisame ng bahay ng kanyang tiyuhin na si Arvin Cunanan, noong Martes ng hapon.
Napag-alamang pinaalagaan kay Arvin ang biktima at ang kakambal nito na si Ronald ng kanyang kapatid na nagtungo naman ang huli sa Maynila.
Nabatid na ang ina ng mag-utol ay isang Indonesian at nasa Indonesia nagtatrabaho.
Ayon pa sa ulat, pinatutulog ni Arvin ang kambal at lumabas lamang ito sandali ng bahay upang manigarilyo subalit makalipas ang 40-minuto ay bumalik na siya at laking gulat niya nang makita ang pamangkin na nakabitin sa kisame.
Malaki naman ang paniniwala ng pamilya na dumaan ang bata sa lababo at umakyat sa kisame saka sumilip sa butas at dito ay nadisgrasya. Joy Cantos