74-anyos  ni-rape ng adik

Dahil sa pagkabangag sa bawal na droga ay nagawang halayin ang isang 74 -anyos na lola ng isang 20-anyos na lalaki sa ilog na sakop ng Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa. Ang biktima na itinago sa pangalang Lola Josefa ay luhaang umuwi kung saan ipinagbigay-alam  sa kaniyang mga anak ang insidente. Samantala, ang suspek na tugis ng pulisya ay nakilalang si alyas “Berto,” ay tumakas matapos ang krimen na naitala bandang als-8 ng umaga habang ang biktimang tumatawid sa ilog ay patungo sana sa palengke. Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nagulat na lamang ang matanda nang bigla siyang sunggaban ng suspek  na may hawak na itak na itinutok nito sa kaniyang leeg. Walang nagawa ang matanda sa maitim na balak ng suspek na nagbantang papatayin kapag isinumbong ang insidente. Isinailalim sa medical examination ang nasabing lola  kung saan positibo ito sa panghahalay. Joy Cantos

Budget officer inutas

ZAMBALES – Isang 43-anyos na municipal budget officer ang kumpirmadong pinaslang makaraang pag­tulungang saksakin ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Zone 1 sa bayan ang Iba, Zambales kahapon ng madaling-araw Bandang alas-7 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Romulo Tanghal Jr. na tumatayo rin bilang Tourism officer. Ayon kay P/Supt.  Limpi Cayda, hepe ng Iba PNP, nadiskubre ang krimen matapos magtungo sa bahay ng biktima ang part-time house maid na si Zeny San Miguel. May teorya ang mga imbestigador na pinaslang ang biktima sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-2:30 ng madaling-araw base na rin sa mga alegasyon ng ilang kapitbahay at posibleng kakilala ng biktima ang mga salarin dahil walang palatandaang winasak ang pintuan. Alex Galang

Anak binoga ng ama

QUEZON - Pinaniniwalaang malaking halaga ng pera na pinagtalunan ang isa sa motibo kaya binaril at napatay ang isang 26-anyos na anak ng sariling ama sa Barangay Del Rosario sa bayan ng Tiaong, Quezon noong Linggo ng gabi (Abril 20). Kinilala ng pulisya ang biktimang magsasaka na si Catalino Salud, samantalang sumuko naman at pormal na kinasuhan ang suspek na si Antonio Salud, 49. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Renato Alba, hepe ng Tiaong PNP, magkasamang nag-iinuman ng alak ang mag-ama nang maiungkat ang ipinadalang pera ng ina na nakapangalan sa anak. Napag-alamang itinanggi ng biktima na ipinadala sa kanya ang pera hanggang sa magtalo ang mag-ama at humantong sa krimen.Tony Sandoval

Show comments