2 bangkay nakuha sa tangke ng tubig

Dalawang bangkay ng obrero ang narekober ng mga awtoridad sa loob ng isang tangke ng tubig sa bakuran ng Light Industry and Science Park 1 sa Ca­buyao, Laguna, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni Laguna Provincial Police Office Director Sr. Supt. Felipe Rojas Jr., ang mga biktima na sina John Anthony Tan, 27, binata, pintor, residente ng Bay View Subdivision, Bay, Laguna; at Jose Gregorio, 21, binata, isa ring pintor, ng Barangay Banader, Calamba City, Laguna.

Ayon kay Rojas, ang bangkay ng mga biktima  ay nakuha ng nagrespondeng mga elemento ng Cabuyao Municipal Police Station sa premises ng LISP  1 sa Brgy. Dienzo, Cabuyao City ban­dang alas -10:10 ng umaga.

Nag-iinspeksyon at nag­susuperbisa sa lugar ang grupo ni  Mr. Jose Nilo So­quena, Maintenance Manager ng LISP kasama ang dalawang obrero, na sina Danilo Bathan at Joseph Sique nang matagpuan ang bangkay ng dalawa nilang kasamahan.

Ang mga biktima ay may ilang araw nang nawawala kaya laking gulat ng kanilang mga kasamahang obrero nang madiskubre ang bang­kay ng mga ito.

Malaki ang paniniwala ng pulisya na ang mga biktima ay maaring nadulas at tulu­yang nahulog sa loob ng tangke habang ito ay nag­pipinta ng tangke. (Joy Cantos, Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)

Show comments