CAMARINES NORTE – Umaabot na sa kabuuang 69 na NFA Rice retailers sa buong kabikulan ang binawian ng lisensya makaraang mahuli sa aktong nagbebenta ng mas mataas na halaga at iba dito ay inihahalo sa commercial rice.
Ito ay batay sa pinakahuling ulat na ipinarating sa tanggapan ng bagong NFA Regional Director sa Bikol na si Edgar F. Bentulan.
Sa Sorsogon, 23 ang nahuli; sinundan ng Camarines Sur, 20; Camarines Norte 19; Catanduanes, 5; at Albay, 2. Hindi naman ibinunyag ang mga pangalan ng mga may ari nito.
Karamihan sa gawain ng mga negosyanteng ito ay inihahalo sa mga commercial rice na ibinibenta ‘di umano sa halagang P27 kada isang kilo o mas mataas pa dito kumpara sa P18.25 bawat kilo ng NFA rice. Nagbabala naman ang mga Provincial Director ng NFA sa Bikol na hindi nila tatantanan ang mga negosyante na patuloy na nagsasamantala sa panahon ng krisis sa bigas. (Francis Elevado)