Dalawang miyembro ng isang pamilya ang namatay habang apat pa ang isinugod sa pagamutan makaraang aksidenteng makuryente sa nakalaylay na live wire mula sa poste sa Barangay Licsi, Manaoag, Pangasinan kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Salvador Dismaya Jr. at dead-on-arrival naman sa Region 1 Medical Center ang kapatid nitong si Ronald.
Nilalapatan ng lunas at idineklara nang nasa ligtas na kalagayan sa pagamutan ang iba pang mga biktimang sina Salvador Dismaya Sr., asawa nitong si Victoria, anak na si Christopher at pamangking si John John.
Bandang alas-7:00 ng umaga, nag-iigib ng tubig ang ina ng mga nasawi na si Victoria sa isang poso sa nasabing lugar nang biglang matumba ang ginang.
Sa pag-aakala naman ng mister, anak at pamangkin ng ginang na inatake ito sa puso ay patakbong sumaklolo ang dalawa nilang anak na bigla ring nagkikisay at natumba sa insidente.
Nang lumapit si Salvador Sr. kasama ang isa pang anak at pamangkin ay nakaramdam sila ng kuryente kung kayat hindi na lamang itinuloy ang pagsaklolo sa mga ito.
Isinisisi ngayon ng pamilya Dismaya ang pangyayari sa Dagupan Electric Corporation dahil sa naputol na kable ng kuryente dahil sa malakas na ulan at kidlat kamakalawa ng gabi sa bayan ng Manaoag at bunsod nito ay lumaylay sa paligid ng poso. (Joy Cantos)