LUCENA CITY – Full Scholarship Grant ang regalo ni Quezon Governor Raffy P. Nantes sa mga estudyanteng nagsipagtapos ngayong taon sa pampublikong paaralan ng sekondarya na nagkamit ng mga karangalan.
Awtomatikong libre sa mga gastusin sa pagpasok nila sa kolehiyo sa darating na pasukan ang mga nagtapos na Valedictorian, Salutatorian, at 1st Honorable mention.
Sa 8,000 iskolar ay 5,000 sa mga ito ay inaasahang kukuha ng kursong Medisina sa Southern Luzon State University (SLSU) sa Lucban, Quezon at Quezon Medical Center sa Lucena City.
Ang nabanggit na kurso ay kauna-unahan sa Region 4 at pinagsikapang ilagay ni Governor Nantes sa Quezon upang madagdagan ang bilang ng mga doktor sa lalawigan.
Isinagawa ang ground breaking ng mga gusali para sa nabanggit na kurso noong nakaraang linggo at inaasahang magiging malaking tulong sa iba pang mga magulang na nais magpaaral ng mga anak sa abot kayang halaga lamang ng tuition fees.
Ayon kay Dr. Cecila Gasco, dean ng SLSU, mababa ang itinakdang tuition fees ng College of Medicine dito kapantay ng antas ng mga Medical school sa Metro Manila. (Tony Sandoval)