5 carjackers todas sa engkuwentro

Limang hinihinalang mi­yembro ng isang car­jacking/robbery-holdup gang ang napatay nang makipagbarilan sa mga elemento ng Task Force Limbas ng Philippine National Police-Traffic Management Group sa Molino, Bacoor, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni PNP-TMG Director Chief Supt. Perfecto Palad ang mga napatay na suspek base sa nakuhang identification card sa mga ito na sina Anacleto Trini­dad, residente ng Silang, Cavite; Arnold Causing ng Taguig City; Roberto Mon­tano ng Upper Bicutan, Taguig City; Joaquin Se­guen ng Tarlac City at isang hindi pa natukoy ang pag­kakakilanlan.

Ayon kay Palad, sina Trinidad, Causing, Mon­tano at isang ‘di naki­la­lang suspek ay pawang dead-on-the-spot sa eng­kuwentro habang si Se­quen  ay bina­wian naman ng buhay ha­bang nilala­patan ng lunas sa Metro South Hospital.

Pasado alas-3:00  ng ma­daling-araw ng mais­patan ng Task Force Limbas ang mga suspek na tumangging sumuko sa mga operatiba ng PNP-TMG sa bahagi pa lamang ng Alabang, Muntinlupa City kung saan nagkaroon ng habulan.

Ang mga suspek ay lu­lan ng puting Mitsubishi Lancer na unang kinarnap ng mga ito sa San Fer­nando, Pampanga  noong Disyembre 5, 2006.

Nang makubkob ang mga suspek  sa Daang Hari sa Molino, nagkabarilan ang magkabilang panig.

Bago ito, inihayag ng opisyal  na dakong alas- 12:30 ng madaling-araw kahapon ay nakatanggap sila ng impormasyon na planong holdapin ng mga suspek ang isang 24 oras na convenient store sa Alabang.

Show comments