P40M ari-arian naabo
BATAAN – Aabot sa P40 milyong ari-arian ang iniulat na naabo makaraang masunog ang Vergara’s Supermarket & Department Store sa Barangay Bonifacio, Dinalupihan, Bataan kamakalawa. Kinumpirma naman ni FO3 Camilo Ferolin, na ang sunog ay sanhi sa isang talop na linya ng kuryente ng refrigerator na nasa gitna ng tindahan kaya sumiklab ang apoy dakong ala-1:45 ng madaling-araw. Kabilang sa mga nasunog ay ang tatlong palapag na gusali na pag-aari ng mag-asawang Vergara na nakaligtas dahil natulog sila sa Subic Bay Freeport Zone. Umabot sa tatlong oras ang sunog bago maapula at wala naman iniulat na nasawi o nasaktan sa naganap na insidente. (Jonie Capalaran)
Bunso kinatay ni kuya
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Pinaniniwalaang alitan sa lupang minana ang isa sa dahilan kaya pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang magsasaka ng kanyang utol sa Barangay Port Junction sa bayan ng Ragay, Camarines Sur kamakalawa ng gabi. Nagkaputul-putol ang katawan ng biktimang si Nathaniel Ebora, 31, samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Daniel Ebora 40. Base sa ulat ng pulisya, lumilitaw na ibig ipagbili ng suspek ang minana nilang lupain subalit tumanggi ang biktima. Dito na nagkainitan hanggang sa maganap ang krimen. (Ed Casulla)
Preso nag-mall, jailguard sinibak
Sinuspinde ng tatlumpung araw ang isang prison guard makaraang maaktuhang kasama sa pagsa-shopping sa mall ang isang babaeng preso sa Capiz, ayon sa ulat kahapon. Pormal na sinuspinde ni Capiz Gov. Victor Tanco Sr. ang suspek si Provincial Guard 2 Melanie Yu, nakatalaga sa Capiz Rehabilitation Center. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nakatanggap ng reklamo ang opisina ni Gov. Tanco at ang Capiz Rehabilitation Center laban kay Yu matapos itong makita na kasamang nagsa-shopping ang bilanggong si Jasmine Sorongon na may kasong droga. Pinabulaanan naman ni Yu ang alegasyon, subali’t dahil sa maraming testigo ang nagpatunay na nagsisinungaling ito ay inamin din niya ang kasalanan. (Joy Cantos)