Varsity Player dedo sa holdaper

Cebu – Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang varsity player ng University of the Visayas matapos na mabaril sa noo ng pinaghihinalaang holdaper matapos na ito ay nanlaban noong Biyernes ng gabi sa Barangay San Vicente, Liloan, Cebu.

Kinilala ni SPO1 Dennis Malinao imbestigador ng Liloan Police Station, ang biktima na si Lucky Mantohac Pitogo, 19, residente ng nasabing lugar at nasa ikalawang taon sa kolehiyo ng nasabing unibersidad at kasapi ng UV Sea Lancers.

Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang tatlong ‘di pa nakikilalang kalalakihan na tumakas sakay ng isang kulay pulang motorsiklo patungong Barangay Lamac sa karatig bayan ng Consolacion.

Ayon kay Malinao, si Pitogo at isang 16-anyos na lala­king kapitbahay ay nagbibisikleta sa kanilang barangay nang madaanan ng mga salarin at saka inantay sa unahan.

Nag-te-text si Pitogo habang nagbibisekleta nang ma­raanan ang mga salarin na nangharang saka at tinutukan siya ng baril at pilit inagaw ang kanyang ma­ma­haling cell phone.

Sinasabing nanlaban ang biktima dahil na rin sa laki ng katawan nito kumpara sa mga holdaper ngunit binoga siya sa noo. (Edwin Ian Melecio)

Show comments