Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang 54-anyos na pulis makaraang burdahan ng saksak ng nakaalitang magsasaka na katiwala nito sa kaniyang bukirin sa Barangay Lalayug sa bayan ng Tuao, Cagayan kamakalawa.
Napuruhan sa likuran at tagilirang bahagi ng katawan, si SPO1 Benigno Lumela ng Cagayan Police Provincial Police Office, habang sumuko naman ang suspek na si Leonardo Narag, 52.
Sa report na nakarating sa Camp Crame, nagtungo ang biktima sa kaniyang bukirin at kinompronta ang katiwala na si Narag at humantong sa mainitang pagtatalo.
Gayon pa man, habang papaalis na ang biktimang pasakay sa kaniyang motorsiklo ay inundayan ng saksak ni Narag. Naisugod naman ang biktima sa Tuao District Hospital subalit hindi na umabot ng buhay. (Joy Cantos)