DOLORES,Quezon – Hindi lamang mga deboto ang nagtutungo ngayon sa Bundok Banahaw, dagsa na rin ang mga naghahanap ng talisman o anting-anting at hinihintay na lamang nila ang Biyernes Santo.
Bagamat idineklara ng lokal na pamahalaan na bawal ang umakyat sa Mt. Banahaw ay marami pa ring nakakalusot partikular na ang mga naghahanap ng anting-anting at tinutungo nila ang mga kuweba .
Maging ang mga albularyo ay naghahanap ng anting-anting para makapanggamot ng ibat-ibang uri ng karamdaman.
Sa pagdagsa ng mga umaakyat sa Mt. Banahaw ay tambak na basura ang kanilang iniiwan kung kaya patuloy na nananawagan ang mga awtoridad na sundin ang panuntunan ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa sinasabing mapaghimala at tahanan ng ibat-ibang uri ng agimat, ang nasabing bundok ay pangunahing pinagkukunan din ng inuming tubig ng mga residente ng Candelaria, Sariaya, Tayabas City, Lucena City at mga bayan sa Laguna. (Tony Sandoval)